Ang Pagsulat ng Tula

Ang Pagsulat ng Tula
Romeo P. Gonzalvo Jr.

Isang anyo ng malikhaing pagsulat na mahirap bigyan ng tiyak na katuturan ang tula. Ang nangyaring pagpapakhulugan ay nagsisilbing paglalarawan lamang ng kalamnan at kayarian nito. Narito at unawain ang sinasabi ng ilan:

1. Ang tula ay isang imitasyon ng kalikasan —– Aristotle
2. Poetry should be the spontaneous overflow of powerful feelings
—– William Wordsworth
3. Ang tula ay nagsisilbing ilaw na nagmumulat, hindi nambubulag.
… Ang tula ay nagsisilbing kudyaping umaawit ng buhay ng masa, ng kalayaan, demokrasya at katarungan. … Ang tula ay nagsisilbing sandatang pangkultura… —- Rogelio Mangahas
4. Isang malahimig na pagpapahayag ng saloobin; isinaayos at nilapatan ng damdaming dumaloy sa panulat at ikinulong sa papel upang panghabambuhay na mapanatili ang mensaheng ibig ipahayag.
—— Mheong

Ang mga Elemento ng Tula

Salita ang materyal na ginagamit sa paglikha ng tula. Kung paanong kinakasangkapan — kinakalap, binibitiwan at isinasaayos ang mga salita sa pagsulat ng tula ang tinutukoy na sagot dito ay ang mga elemento ng tula.

1. Pinakapili ang mga binibitiwang salita at matamang pinag – uugnay ugnay para makabuo ng mapandama’t makatawag – pansing mga taludtod.
2. Binibigyan ito ng madadaluma’t na kahulugan
3. Tinataya ang mga limitasyong iginigiit ng mga kaanyuan nito’t katangian.

Ang Dalawang Kalagayan ng mga Elemento ng Tula

I. Pangkahulugan ng Nilalaman
Nakasalalay sa mga uri ng ginagamit na mga salita ang madaling pag – intindi sa saysay ng nilalaman ng akda, at ito ay ang mga sumusunod:

1. Sa etimolohiya, ang orihinal na salitang pinagmulan, madaling makita ang literal na kahulugan ng salita. Kadalasan nang sa diksyunaryo ito natatagpuan.
2. Sa mga terminong teknikal naaasimila ng ‘lengua franca’ ay nahihinuha rin ang maraming kahulugan ng nilalaman, datapwat, kinakailangan din ang kaalaman sa particular na larangang kinabibilangan ng salita para lubos na maunawaan.
3. Sa patambis o idioma mapapartikular ang pekyulyaridad ng isang lenggwahe. Halimbawa’y tindig – araw na’y di pa luto. Sa kamaynilaan ito’y di naririnig pero sa Imus, Cavite, ito’y pamilyar.
4. Sa ‘lalawiganin’ o ‘probinsyalismo’ o sa ‘diyalekto’ malalamang tipikal ang salita sa isang bahagi ng lugar.
5. Sa mga bagong likhang salita.

Ang larawang – diwa
‘Imagery’ kung tawagin ito sa Ingles. Ito ay ang mga nabubuong larawan o imahen sa isipan na nililikha ng guniguni ng mga mambabasa. Mula ito sa mga mapandamang pahayag.

Ang mga Tayutay
Ito ang tawag sa paggamit ng matatalinghagang pagpapahayag. Nagmumula ito sa isang inspiradong imahinasyon na sa tulong ng malawak na karanasan sa buhay, mayamang bokabularyo at maunlad na kasanayan sa pagsasalita, pagbabasa at pagsusulat, kahit di na isipin pa, kusa itong pumipilantik sa dila o sa isip.
II. Ang mga Elementong Pangkayariang Tunog ng Tula
Nagkakaroon ng tunog sa tula sa pamamagitan ng mga sumusunod:

Ang Tono sa Tula
Ang natatanging kulay o kalidad ng tunog na nalilikha ng iba’t ibang titik at salita na bumubuo sa tula ay ang tono nito.

Ang Indayog o Ritmo ng Tula
Ritmo ang tawag sa bawat kumpas sa bawat linya ng tula. Nagbibigay – diin sa mga tiyak na salita na halos di – mapansin naman ng iba.
a. Tugma – ay ang pagkakatulad ng tunog ng huling salita sa bawat taludtod. Mapapangkat sa dalawa ang mga katinig para sa tugmaan: ang una ay b, k, d, g, p, s at t ; ang ikalawang pangkat ay l, m, n, ng, r, w at y.
Mga tugmaan
aaaa, abab, aabb, abba.
b. Sukat – ito ay ang bilang ng pantig sa bawat taludtod. Sinasabing ang tula ay may sukat kapag pare – pareho ang bilang ng pantig sa bawat taludtod. Sa mga tulang tradisyunal, ang mga palasak at gamiting sukat ay maaaring tatluhan, apatan, limahan, animan, pituhan, waluhan, siyaman, sampuan, labindalawahan, labing – apatan, labing – animan at labingwaluhan.

Mga Uri ng Tula Ayon Sa Kayarian
Tradisyunal, Malayang taludturan at Prosa.

Tradisyunal na matatawag ang berso kung binibilang ang mga pantig sa bawat taludtod at pinagkakasintunog ang mga huling pantig ng salita sa bawat taludtod. May bilang ang mga taludtod para makabuo ng isang saknong na maaaring daludturan (couplet), tatluhan (triplet), apatan (quartrain). Pwede ring limahan o kahit ilan ayon sa kagustuhan ng makata.
Sa mga anyo ng bersong ito, ang mga tiyak na kilala ay ang balada, soneto at blangkong berso o blank verse.
Malaya naman ang taludturan kung hindi sumusunod sa tradisyunal na kagustuhang panukatan.
Samantala, prosa naman ito kung ang pagsulat ay ayon sa karaniwang pagsasalita ang kayarian ng mga pangungusap. Ito’I isinusulat na parang komposisyon lamang na patalata ang pag – uugnay at pagsasaayos ng mga kaisipan.

Uri ng Tula Salig sa Layon
1. Mapaglarawan (descriptive) – naglalayon ito na maglarawan ng pagpapahalaga o pagkamuhi ng makata sa isang kalagayan, lunan o pangyayari sa buhay ng isang tao.
2. Mapagpanuto (didactic) – Naglalayon ito na magbigay ng patnubay o kaya’y magturo o magpayo ng isang aral sa pamamagitan ng mga taludtod.
3. Mapang – aliw ( amusive) – Naglalayon ito na manlibang o mang – aliw sa mga palaisipan o panunudyong napapaloob sa mga taludtod.
4. Satiriko (satirical) – Naglalayon ito na kumutya sa mga bisyo o kahalagahan ng tao na maaaring sa katawa – tawang paraan.

Leave a Reply